CAGAYAN DE ORO CITY – Iginiit ni Prosecution Panel Spokesperson Robert Ace Barbers na matib at mabigat ang mga ebidensiyang sumusuporta sa Article 1 ng Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds (CFs at IFs).
Sa isang eksklusibong panayam sa BOMBO Radyo, sinabi ni Barbers na malinaw sa Joint Circular ang tiyak na listahan ng mga bagay na dapat lamang paggastusan ng CFs.
Aniya, ang paglabag sa mga itinakdang gabay ay nagpapakita ng ilegal at iregular na paggamit ng pondong umabot sa kabuuang ₱612.5 milyon.
Binanggit din niya na hindi basta haka-haka ang mga alegasyon dahil suportado ito ng kumpletong dokumento at ebidensiyang iniharap ng kanilang panel.
Dagdag pa ni Barbers, napakahalaga ng malinaw na paliwanag sa publiko kung saan napunta ang naturang malaking halaga.
Itinuturing ng prosekusyon na mabigat na punto ang pahayag ni OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta na mismong si VP Duterte ang nag-utos sa kanya na ibigay kay Col. Raymond Dante Lachica ang P125 milyon na na-encash sa Landbank noong Disyembre 2022, kung saan si Lachica ay dating commanding officer ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) at security officer ng OVP.











