CAGAYAN DE ORO CITY – Suportado ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin na ang kapangyarihan sa martial law sa Mindanao.
Ito ay kahit narinig lamang nila mula kay Duterte ang usapin subalit wala pang opisyal na dokumento na nagpatibay pag-alis sa batas-militar sa rehiyon epektibo bukas.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Bangsamoro Transition Authority member Zia Alonto Adiong na malaki talaga ang naitulong ng martial law na ipinag-utos ni Duterte para mapanatili ang katahimikan sa rehiyon mula sa panibagong malawakang pag-atake ng mga terorista.
Inihayag ni Adiong partikular na napanumbalik ang regular na office hours ng ilang municipal mayors na madalas lumiban sa kanilang trabaho dahil abala sa ibang mga gawain na walang kinalaman sa kanilang pagsisilbi sa mismong mga residente nila.
Nabawasan rin ng malaking bilang ang mga naglipana na mga powerful at short firearms matapos boluntaryo na isinuko ng mga may-ari dahil sa kapangyarihan ng martial law.
Kung maalala,nagpasa sana ng magkahiwalay na resolusyon ang Lanao del Sur at Lanao del Norte para suportahan ang pananatili ng batas-militar dahil sa panganib na dala ng localized ISIS inspired terror groups subalit hindi na maisakatuparan dahil mismo si Duterte ang hindi na intresado ukol rito.
Napasailalim sa batas-militar ang Mindanao sa tatlong taon dahil tinangka ng Maute-ISIS terrorists na sakupin ang Marawi City kaya humantong sa limang buwan ang engkuwentro simula Mayo 23 hanggang Oktubre 23,2017.