Ibinunyag ni Cagayan de Oro Federation of Taxi Drivers and Operators Association o CAFITADA President Bernie Jamaca na hindi lahat ng gasoline stations sa lungsod ang nagpapatupad ng inaasahang ₱16 na bigtime rollback sa gasolina at krudo.

Ipinaliwanag ni Jamaca na sa kanilang pag-obserba sa kalsada, mayroon pa ring mga istasyon lalo na sa bahagi ng Puerto, Tin-ao, at Agusan na nananatili sa ₱74 hanggang ₱75 ang bawat litro ng petrolyo habang ang iba ay nag-rollback lamang ng ₱10 hanggang ₱11.

Ngunit ikinalugod ng mga drayber na may ilang maliliit na istasyon tulad ng Corrales Extension ang nag-rollback talaga ng malaki kung saan umabot na lamang sa ₱65.70 ang presyo ng bawat litro.

Kaya naman ang panawagan ni Jamaca sa mga drayber ng taxi, motorela, at multicab ay magsipag sa paghahanap ng mga istasyong nag-aalok ng mas murang presyo ng gasolina upang makatipid sa araw-araw na biyahe.