CAGAYAN DE ORO CITY – Kinalampag ngayon ng Bureau of Customs-Mindanao Container Terminal (BoC-MCT) ang National Bureau of Investigation (NBI) kung bakit bigo pa rin sila mahuli ang tatlong Koryano na nasa likod ng malawakang pagpupuslit ng halos pitong libo na tonelada ng mga basura na nagmula sa South Korea na itinambak sa bayan ng Tagoloan,Misamis Oriental.
Ito ay kahit mag-ilang buwan na nailabas ni Regional Trial Court Branch 39 Presiding Judge Marites Bernales ang warrant of arrest laban kina South Koreans Jae Ryang Cho,Sena Na at Chu Soo Chu na unang sinampahan ng kasong kriminal dahil sa ilegal na pagpupuslit ng mga basura sa lalawigan taong 2018.
Sinabi ni BoC-MCT collector John Simon na mahalaga na mahuli na ang mga Koryanong ito dahil mismo sila ang nagdadala ng mga basura mula South Korea upang itapon lamang sa Pilipinas.
Inihayag ni Simon na kailangan kumilos ng maigi ang NBI lalo na’t tanging si Ryang Cho na lamang ang natitira na hindi pa nakalabas sa bansa at patuloy na nagtatago sa batas.
Kinompirma ng opisyal na nakatakas na si Sena at Soo Chu bago pa man lumabas ang warrant of arrest noong Abril 2019 para iwasan ang magiging pananagutan nila sa batas sa bansa.
Kaugnay nito,tiniyak naman ng Department of Justice (DoJ) na bibigyang aksyon ang umano’y pagkatakas at paghuli ng mga Koryano na mayroong pananagutan sa bansa.
Sinabi ni DoJ Assistant Secretary Sergio ”Yoyoc” Yap na hihingian nila ng paliwanag ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa tatlong mga Koryano.
Inihayag ni Yap na taga-Tagoloan rin ng lalawigan na hindi tumigil ang NBI upang mahuli at mapanagot ang mga akusado na nasa likod ng pagpupuslit ng mga basura partikular sa Northern Mindanao.
Nahaharap ng kasong paglabag ng Republic Act 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990 ang mga akusado na pinakauna sa kasaysayang naitala dito sa bansa.