Photo from Bombo Zaldy Raganot Navarro Jr

CAGAYAN DE ORO CITY- Napatay ang tumatayong pinuno ng Fajardo Criminal Gang na si Marvin Fajardo kasama ang dalawang iba pa sa bahay nito sa Block 12 ,Lot 25,Portico II,Grand Europa,Brgy Lumbia,Cagayan de Oro City ngayong gabi lamang.

Ito ay matapos nanlaban ang grupo ni Fajardo nang isinilbi ng joint police at military operatives ang warrant of arrest na inilabas ni 4th Judicial Region MCTC Presiding Judge Michelle Manaig-Calumpong ng Tanauan City,Batangas.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Cagayan de Oro City Police Office spokesperson Maj Evan Vinias na ipinapasuko ng operating government forces si Fajardo upang kaharapin ang kasong direct assault subalit lumaban umano ito kaya napuruhan.

Sinabi ni Vinias na mismo pa ang dalawang kasamahan ni Fajardo ang unang nagpaputok habang papasok ang PNP’s Special Action Force kaya nagkabarilan sa loob ng kanyang bagong tinitirahan na bahay.

Si Fajardo na taga-Brgy Suplang,Tanauan City subalit palihim na naninirahan sa Cagayan de Oro City ay agad dinala sa ospital kasama ang dalawang iba pa pero kapwa na binawian ng buhay.

Natuklasan na si Fajardo ay maraming kinaharap na kaso dahil sa pinasok na gun for hire,illegal drugs,robbery extortion sa mga lguar ng Batangas City,Laguna at National Capital Region.

Magugunitang pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang operation nang ikinasa ang ‘Oplan Pagtugis,Oplan Salikop at Oplan Omega kasama ang iba’t-ibang units ng PNP at 4th ID,Philippine Army dahilan tuluyang na-neutralize ang grupo ni Fajardo.