CAGAYAN DE ORO CITY – Pumanaw na ang 54-anyos na pasyenteng nagpositibo sa coronavirus disease o COVID-19 habang ginagamot sa Northern Mindanao Medical Center (NMMC) kagabi.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo, namatay na si Patient No.40 na nagmula sa Ganassi, Lanao del Sur at unang naadmit sa Adventist Medical Center (AMC) at inilipat sa NMMC sa Cagayan de Oro nang magpositibo ito sa COVID-19.
Hindi nakayanan ng pasyente ang dinaranas nitong acute respiratory distress syndrome mula sa severe pneumonia dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Una nang kinumpirma ni NMMC chief Dr Jose Chan na mas lumalala ang kalagayan ng pasyente habang ginagamot sa nasabing hospital.
Sa ngayon, napagdesisyonan ng bahay-pagamutan na isailalim sa 14-day quarantine ang mga health personnel na nagbabantay at nag-aalaga sa namatay’ng pasyente.