CAGAYAN DE ORO CITY-Hindi mapakali ang isang Barangay Kapitan dito sa lungsod matapos makatanggap ng report na may dalawang chinese national ang namatay dahil sa novel coronavirus sa kanyang Barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Brgy Cugman Kap. Wendelyn Escobia na mga alas 11 ng umaga kahapon, nakatanggap siya ng text message at nasundan pa ito ng mga tawag galing sa hindi nagpakilalang impormante na nagsasabing may namatay na mga chinese nationals matapos umanong tamaan ng coronavirus.

Dahil dito, agad nakigpag-ugnayan si Kapitan Escobia sa mga pulis at pinuntahan ang establishemento na kung saan sinasabing nagtatrabaho ang mga namatay ngunit mariin namang itinanggi ng secretary ng kumpanya.

Kahit medjo naibsan ang kanilang pangamba, iniutos parin ng naturang Barangay Kapitan na patuloy na imonitor ang dalawang kumpanya sa Barangay Cugman na may maraming chinese national na empleyado.