CAGAYAN DE ORO CITY – Arestado ang kasalukuyang barangay kapitan na umano’y humingi ng bayad mula sa mga residente kapalit ng home quarantine pass issuance sa Mantapoli,Marantao,Lanao del Sur.
Kinilala ni Lanao del Sur Provincial Police Office Director Col Madzghani Mukaraam ang suspek na si Mantapoli Barangay Kapitan Cassar Abinal,nasa legal na edad at residente sa lugar.
Inihayag ni Mukaraam na ikinasa ng Marantao Municipal Police Station ang operasyon matapos may ilang residente ang nagreklamo na hiningian ng suspek ng tig-P20.00 kapalit ng home quarantine pass.
Dagdag ng opisyal na akto nakita ng kanyang mga tauhan ang nakadikit na papel sa dingding ng barangay hall kung saan nakasaad na humingi ng bayad ang suspek.
Salaysay pa ni Mukaraam ang ginawa ni Abinal ay hayagan na paglabag sa kautusan ni DILG Secretary Eduardo Año na ibibigay ang barangay pass sa mga residente na walang bayad.
Samantala,iginiit naman ng suspek na kaya ito humingi ng bayad ay para umano sa nagamit na computer ink at ibang office supplies ng barangay.
Tiniyak ng opisyal na mahaharap ng kaukulang kasong kriminal ang suspek sa piskalya sa oras na ihahain na ang asunto sa Marawi City nitong linggo.
Magugunitang naka-lockdown ang buong Lanao del Sur at Marawi City dahil sa mataas na banta ng Coronavirus Disease na kumitil na ng buhay ng ilang residente.