CAGAYAN DE ORO CITY-Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang lalaki na nagpakilalang kasapi ng Philippine National Police (PNP) na namaril sa isang romorondang Brgy Tanod sa Purok 2B, San Miguel, Maramag Bukidnon.

Kinilala ang suspek na si Ricky Delaynon, 46, hiwalay sa asawa, farmer at resident sa naturang lugar.

Sinabi ni Maramag Municipal Police Station Investigator PCMSgt. Jonathan Bataycan na nagroving kagabi ang mga tanod dahil sa ipinapatupad na curfew bunsod ng community quarantine dulot ng coronavirus pandemic ngunit hinarang sila ng suspek.

Kumpyansa naman sila sa pag-aakalang tubo lamang ang bitbit ng suspek ngunit biglang nagpaputok at tinamaan sa kamay ang tanod na si Renato Clan, 61, may asawa, na nakatira sa Purok 11 sa naturang barangay.

Ayon kay Bataycan, kaagad naman nilang nahuli ang suspek na nagpakikilalang pulis ngunit nakasuot sa kahalintulad ng uniporme ng sundalo.

Aniya, hinala nila na may deperensya sa pag-iisip ang suspek dahil hindi naman ito nakainum ng ginawa ang krimen.

Narekober sa posisyon ng suspek ang isang sumpak na pinaniniwalaang siyang ginamit sa krimen at mga bala.