CAGAYAN DE ORO CITY – Ililipad na ng C-130 plane ng Philippine Air Force (PAF) ang initial na tulong ng mga taga- Northern Mindanao para sa libu-libong pamilya na direktang apektado ng pagbaha dala ng bagyong Ulysses sa probinsya ng Cagayan Valley.

Photos from 4th ID,Philippine Army

Ito ay matapos nakalikom ang bumubuo ng grupong ”Cagayan Tabang Cagayan Valley” ng relief goods na kinabilangan ng mga pagkain,damit at kagamitang pambahay para sa mga kababayan na dumaranas ng sobrang hirap dahil sa nangyaring kalamidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni 4th Infantry ”Diamond” Division,Philippine Army spokesperson Maj Jhun Cordero na isang malawakang relief effort drive ang napagkasunduan ng buong division katuwang ang local government units ng Northern Mindanao at Caraga Region maging sa simbahang Katoliko at pribadong sektor upang iipunin ang lahat ng cash at ibang donasyon upang ipaabot sa taga-Cagayan Valley.

Inihayag ni Cordero na idadaan nila sa 5th ID,Philippine Army ang nasabing mga donasyon at itu-turnover naman sa local government units ng probinsya na apektado ng trahedya.

Si 4th Infantry ”Diamond” Division,Philippine Army spokesperson Maj Jhun Cordero

Dagdag ng opisyal na ang inisyatiba na ito ay bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga taga- Cagayan de Oro nang tinulungan rin ng ibang LGUs noong hinagupit ang mga residente rito ng bagyong Sendong taong 2011.