CAGAYAN DE ORO CITY – Gagamitin bilang pangdagdag ng bagong tinaguriang marathon queen Christine Hallasgo ng Malaybalay City,Bukidnon ang matatanggap na cash incentives o reward mula sa napanalunang laro ng athletics sa Southeast Asian Games 2019 sa bansa.
Ito ang pag-amin ni Hallasgo sa Bombo Radyo nang mapanayam matapos ang kanyang matagumpay na pagkamit ng medalyang ginto sa sinalihan nito na women’s 42 kilometer race sa New Clark City Sports Complex sa Tarlac kaninang madaling araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Hallasgo na nagmistulang bonus na lamang ang pagiging gold medalist nito dahil tanging hinangad niya ay magsilbing 3rd placer o makakuha ng medalyang bronse.
Inihayag ni Hallasgo na muntik na rin siyang bumigay sa huling bahagi ng kompetisyon dahil nakaranas ito ng cramps habang patapos ang kanyang pagtakbo tungo sa finishing line.
Naikuwento nito na kung anuman ang maibibigay sa kanilang mga atleta mula sa gobyerno ay gagamitin niya ito bilang dagdag pangtustos ng kanyang kasulukuyang ipinatayo na bahay sa Bukidnon para sa mga magulang at mga kapatid nito.
Si Hallasgo ay pang-10 sa 13 magkakapatid kung saan dahil sa hirap ay ginawang motibasyon ang pagiging sprinter hanggang nakaabot sa mas mataas na antas ng athletics.