CAGAYAN DE ORO CITY – Mas gusto ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na mapatawan ng death penalty ang mga banyaga na illegal drug traffickers kumpara sa sariling mga kababayang Filipino dito sa bansa.
Ito ang paninindigan ni Rodriguez bilang hayagan na pagtutol sa iminungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na muling buhayin ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection dahil sa patuloy na suliranin ng ilegal nga droga sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Rodriguez na anti-poor umano ang uri ng death penalty na nais mangyari ng pangulo dahil hirap na nga ang karamihan sa mga Pinoy na nasangkot sa illegal drugs operations.
Inihayag ng kongresista na mas gusto nito na mabigyang katuparan ang inihain na House Bill 4510 na sumentro pagparusa ng malaking foriegn drug traffickers na malayang nakapasok at binigyang proteksyon ng ilang tiwalang opisyal sa loob ng bansa.
Magugunitang dismayado si Duterte dahil nangako ito sa taung-bayan na puksain ang illegal drugs subalit apat na taon na lamang siya sa panunungkulan ay laganap pa rin ang problema.
Napag-alaman na batay sa impormasyon ng PNP at PDEA ang ilang illegal drugs syndicates ng Mexico,China at Nigeria ang nakapasok sa bansa.