(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi pa man tuluyang nag-sink in ang pagbubunyi ng local health workers dahil may pinakatanda sila nailigtas nang dapuan ng COVID-19 ay agad itong napalitan ng sobrang pagdadalamhati sa Cagayan de Oro City.

Ito ay matapos kinompirma ni Cagayan de Oro City Health Office’s epidemiologist Dr Joselito Retuya Jr na tuluyan nang pumanaw ang itinuring na ‘oldest patient’ survivor ng coronavirus disease na residente sa Barangay Lumbia ng lungsod nitong araw.

Inihayag ni Retuya na nasasayangan umano sila na sa loob ng isang buwan na pag-aalaga nila sa centenarian patient ay namatay lamang pala ito naturally habang nakabalik sa kanyang pamilya sa nabanggit na barangay.

Dagdag ng opisyal na hindi maiuugnay sa bayrus ang pagkamatay ng biktima subalit may iba rin itong iniinda na karamdaman.

Kaugnay nito,maging si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ay nabigla dahil sa biglaan na pagpanaw ng biktima kaya ipinaabot niya ang kanyang pakiki-dalamhati para sa nagluluksa na pamilya.

Si Cagayan de Oro City Health Office’s epidemiologist Dr Joselito Retuya Jr

Sa kasalukuyan,ang Cagayan de Oro ay mayroong ng total infected cases na 1,294 kung saan 59 rito ang mga nasawi simula napasok ng bayrus ang lungsod.