CAGAYAN DE ORO CITY – Pinapahina pa ng 4th Infantry Division,Philippine Army ang natitira na mga sakop ng Communist Party of the Philippines New People’s Army (CPP-NPA) North Central Mindanao Regional Committee na kumikilos sa rehiyon ng Northern Mindanao partikular sa Barangay Bal-ason,Gingoog City,Misamis Oriental.

Kinompirma kasi ni 4ID spokesperson Lt Col. Francisco Garello Jr na napatay ng kanilang tropang 16th Infantry Batallion na pinamunuan ni Lt Col. Warren Daroy ang dalawang high ranking officials ng mga rebelde.

Kinilala ng militar ang mga nasawi na sina Zaldy Galamiton alias Shaggy na tumatayong kalihim ng Sub-Regional Committee 1 at John-John Ayuma Ramos alias Erbing na commanding officer din ng Sub-Regional Sentro De Gravidad MTJ Eagles na kapwa sakop ng NCRMC.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Garello na nagsagawa umano ng strike operation ang tropa ni Daroy dahil sa aktuwal na panghihingi ng pagkain ng mga rebeldeng pinuno at panghihikayat na rin makakuha ng mga bagong miyembro kaya nag-resulta ng 10 minuto na bakbakan.

Maliban sa pagkasawi ng dalawang NCRMC officials,nakompiska rin ng mga sundalo ang dalawang M-16 rifles,mga bala at personal belongings ng mga nakatakas na ibang mga rebelde sa lugar.

Tinukoy ng militar na sina alyas Shaggy at alyas Erbing ang nasa likod ng umano’y criminal activities na nangyayari sa eastern side ng Misamis Oriental.