CAGAYAN DE ORO CITY – Pinuri ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Eastern Mindanao Command commander Lt Gen Greg Almerol ang sunod-sunod na tagumpay ng kanilang tropa kasama ang PNP at ibang law enforcement agencies laban sa mga pinuno at miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa ilang bahagi ng bansa.
Tinukoy ni Almerol ang pinag-isang operasyon ng 401st Brigade ng 4th ID,Philippine Army,intelligence units,Joint Committee Task Force NCR,PRO 13 at National Intelligence Coordinating Agency upang matagumpay na maisilbi ang warrant of arrests ng kasong kidnapping at illegal detention laban kay Dra Maria Natividad Marian Castro alyas Dok Nat sa umano’y miyembro ng CPP central committee sa tahanan nito sa San Juan City,Maynila.
Sinabi ng heneral na ang pagka-aresto umano kay Castro ay patunay sa tinawag na ‘strong synergy’ ng security forces upang makuha nila ang ilang mga kalaban ng gobyerno na mayroong mga kinaharap na criminal charges.
Bagamat,mariing itinanggi sa kampo ni Castro ang pagkasangkot nito sa mga kasong ipinupukol ng gobyerno laban sa kanya.
Una rin nito,napatay sa tropa ng 58th IB ang umano’y isang CTG official na si Renerio Dablo alias Edoy at nasundan nang pagka-neutralized ng mag-asawang Jelan Pinakilid alyas Matrix at Darling Pinakilid alyas Yandy sa intelligence follow up operations ng AFP at PNP operatives sa Gingoog City,Misamis Oriental noong nakaraang linggo.
Narekober mula sa mga nasawi na mga rebelde ang dalawang M-16 rifles,granada,kalibre 45 at personal na kagamitan ng mga nakatakas na miyembro ng Guerilla Front Huawei,Sub-Regional Committee 3 ng North Central Regional Committee ng CPP-NPA dito sa Hilagang Mindanao noong nakaang linggo.