CAGAYAN DE ORO CITY – Nagulatang umano ang mga opisyal ng Bureau of Customs -Cagayan de Oro nang mabaril ang kanilang kasamahan ng motorcycle in tandem suspects sa mismong tinuluyang bahay nito sa Zone 6,Barangay Bugo,Cagayan de Oro City.
Ito ang paglalahad ni Customs deputy collector for administration Atty Roswald Joseph Pagui kaugnay sa sinapit ng kanilang deputy collector for assessment na si Arthur Sevilla na tubong taga-Metro Manila.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Pagui na bagamat nakaligtas si Sevilla mula sa ilang tama ng bala sa kalibre 45 na baril ay sasailalim umano ng operasyon sa pribadong pagamutan ng lungsod.
Inihayag ni Pagui na wala pa umano silang maisip na posibleng dahilan na maaring matukoy kung bakit pinagtangkaan ang buhay ng kanilang kasamahan sapagkat sobrang husay umano nito sa kanyang trabaho na naka-destino sa Mindanao Container Terminal ng Tagoloan,Misamis Oriental.
Una rito,nagtamo ng mga tama sa tiyan at paa si Sevilla nang pinasok ng hindi kilalang mga salarin sa kanyang inuupahan na bahay nitong lungsod kagabi.
Bagamat tikom muna ang bibig ng halos ng mga Customs officials ng rehiyon subalit tanging tiniyak ng ilang insiders ng Bombo Radyo na nasa ligtas ng kalagayan ang biktima.
Kung maalala,mayroong naharang ang Customs na nasa 50 milyon halaga ng mga sigarilyo na mula pa China nang tinangka itong ipalusot sa daungan ng Misamis Oriental noong nakaraang linggo.