Dalawang aktibong pulis ang nakakulong ngayon matapos nadakip sa isang checkpoint nang ituro silang responsable sa pamamaril sa isang sibilyan sa gitna ng away sa peryahan sa Barangay Indahag, Cagayan de Oro City.

Nagtamo ng sugat sa baril sa kanyang hita ang 38 taong gulang na biktima, habang nakumpiska mula sa dalawang pulis na may ranggong Police Executive Master Sergeant at Patrolman ang dalawang 9mm na armas matapos silang ituro ng 13 taong gulang na testigo.

Ayon kay Cagayan de Oro City Police Office Spokesperson PMaj. Emelita Simon, nagsimula ang gulo sa pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng isa sa mga pulis hanggang sa humantong ito sa pisikal na away at pamamaril.

Ipinaliwanag ng opisyal na inihahanda na ngayon ang mga papeles upang pormal na maisampa ang kasong frustrated murder at mga kasong administratibo laban sa dalawang suspetsadong pulis.