CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinagiitan ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr na nasa bisinidad lang ng Kingdom of Jesus Christ Church ang founder na si Pastor Apollo Quiboloy na matagal nang pinaghahanap ng batas.

Ito ang kasagutan ng kalihim nang naparito sa Cagayan de Oro City kasama sina Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay sa inilunsad na Tri-City Special Justice Zone on Anti-Sexual Abuse and Exploitation of Childeren (OSAEC) kaninang umaga.

Sinabi ni Abalos na iniwasan muna nila na sagutin ang mga bintang ng KOJC partikular sa umano’y paghuhukay ng mga pulis na nagdulot ng mga haka-haka na baka hindi na si Quiboloy ang pinaghahanap nito sa loob ng compound.

Iginiit ng kalihim na buo pa rin ang impormasyon ng lahat ng intelligence communities na hindi pa nakaalis si Quiboloy kaya tuloy-tuloy ang PNP paghahanap sa mismong sarili nitong compound.

Apelang muli ni Abalos na sana harapin ni Quiboloy ang mga bintang na ipinukol laban sa kanya at huwag magtatago para maiwasan na marami ang madadamay na hindi naman kasama sa isyu.