CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring ni DILG Secretary Eduardo Año na personal na laban upang makamtan ang madaliang hustisya sa masaklap na sinapit na kamatayan ni Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na tubong Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos tiniyak ng kalihim na asawa sa tiyahin ni Dormitorio na walang mangyaring white wash sa anumang gagawing imbestigasyon laban sa mga kadete at maging military officials na mayroong kaugnayan sa hazing case sa loob ng PMA.
Ito ang ipinaabot na pahayag ni Año na dati ring chief of staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas nang pinadalo nito ang kanyang asawa na si Jean Joselyn Año sa ginawa na paglibing sa mga labi ng pamangkin nito sa Cagayan de Oro Gardens sa Barangay Lumbia ng lungsod kahapon ng tanghali.
Sinabi ni Gng Año na tanging hiniling ni retired Army Col William Dormitorio sa gobyerno na maging patas ang imbestigasyon at parusan ang pumatay sa kanilang bunsong anak.
Bagamat hindi nagbigay ng anumang panayam ang retiradong army official simula nang dumating ang bangkay ni Dormitorio sa lungsod subalit bakas sa mukha nito ang emosyon sa pangyayari.
Pinaka-emosyonal naman ang ina ni Darwin habang tinitignan ang kabaong ng anak bago ito inilibing.
Buhos naman ang luha ng mga kaanak,kaibigan,kapitbahay at mga ka-klase ni Darwin nang iniisa-isang binabalik-tanaw nila kung gaano ito nangarap magsundalo habang bata pa lamang hanggang mapasok ng ilang buwan sa pamunuan ng PMA.