(Update) CAGAYAN DE ORO CITY-Inaabangan ng local officials at mga residente ang nakatakdang pagpunta ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ilang cabinet secretaries sa Lungsod ng Surigao bukas.

Ito ang sinabi sa Bombo Radyo ni Surigao City Vice Mayor Atty Alfonso Casurra ilang oras matapos isinailalim ng state of calamity ang kanilang lungsod bunsod nang tumama na malakas na lindol kagabi.

Inihayag ni Casurra na mayroong mga indikasyon na kanilang namataan na personal na dadalawin ni Duterte ang mga apektadong residente lalo na ang ilang biktima na nasawi dahil sa lindol.

Sinabi nito na maaring kasama ni Duterte na pupunta sina DOTr Secretary Arthur Tugade at DSWD Secretary Judy Taguiwalo para personal na makita ang kalagayan ng mga apektadong residente.

Inamin ni Casurra na tanging ikinabahala ng mga tao ngayon ay suno-sunod na aftershocks matapos yumanig ang 6.7 magnitude na lindol kagabi.

Una na rin nitong inamin sa Bombo Radyo na nasa 7 katao na ang nasawi habang halos nasa 200 na ang sugatan kung saan ilang sa mga kritikal ay dinala sa magkaibang pagamutan na nakabase sa Mindanao.