EARTH DAY MESSAGE
APRIL 22, 2026
Assalamu Alaykum Warahmatullahi Wabarakatuh
Madayaw ug maayong adlaw kaninyong tanan. Magandang araw sa inyong lahat.
Nitong nakaraang mga buwan, naramdaman natin ang bagsik ng Bagyong Basyang na sumalanta sa Northern Mindanao. Libu-libo nating kababayan ang nawalan ng tahanan sa loob lang ng isang gabi.
Sinundan nito ang kambal na trahedya ng Bagyong Tino at Uwan noong Nobyembre. Saksi tayo sa paglubog ng Visayas sa baha, at ang malawak na pinsala sa Luzon at Bicol. Ang mga kalamidad na ito ay kumitil ng halos tatlong daang buhay at nagpalikas sa mahigit isang milyong Pilipino.
Ito ang nangyayari kapag kinalimutan nating igalang ang mundong ating kinagisnan. Ang singil ng kapabayaan natin ay pasan ng mga mamamayang Pilipino.
Kapag ang bilyon-bilyong inilaan para sa flood control ay ninanakaw o sinasayang, hindi lang natin binibigo ang kalikasan. Ipinagkakanulo natin ang ating sariling mamamayan.
Ang korapsyon ng ating climate infrastructure ay isang tuwirang banta sa ating national security.
Nang inilunsad ng Office of the Vice President ang PagbaBAGo: A Million Trees Campaign, nakita ko ang kayang gawin ng mga Pilipino. Naabot natin ang mithiing isang milyong puno sa loob lamang ng tatlong taon.
Nagtanim tayo ng isang milyong puno upang patibayin ang ating mga bundok at buhayin ang ating mga watershed. Ito ay isang nature-based solution upang maibsan ang baha.
Hindi ito proyekto lamang; ito ay usapin ng survival.
Ngayong Earth Day, tandaan natin: ang pagtatanim ng puno ang pinakasimpleng climate action na kayang gawin ng kahit sino. Hindi natin kailangan ng dambuhalang budget. Ang kailangan natin ay punla at ang paninindigan para sa kinabukasan ng ating mga anak.
Hindi mapipigilan ng isang puno ang bagyo. Ngunit ang isang milyong puno, na itinanim ng mga Pilipinong nagpasyang lumaban —iyan ang magpapalakas ng ating disaster resilience.
Kailangan ng kalikasan ang ating pakikipagtulungan. Kailangan nito ang ating mga kamay sa lupa.
Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino.
Shukran.
SARA Z. DUTERTE
Vice President of the Philippines











