CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na nakapasok pa sa kulungan ang kontrobersyal na si Police Lt Col Jovie Espenido maging ang dalawa pa nitong kasamahan na nahaharap ng pitong kasong kriminal kaugnay sa napatay nila na mga tauhan ng pamilyang Parojinog na umano’y mga miyembro ng kilabot na Martilyong Gang sa Ozamiz City,Misamis Occidental.

Ito ay matapos agad nakapaghain ng piyansa si Espenido bagamat hindi personal na pera subalit sa ilang mga personalidad na boluntaryong nag-abot tulong pinansyal para sa pansamantalang kalayaan nito habang haharapin ang anim na counts ng homicide at arbitrary detention na isinampa ng isang Carmelita Manzano mula Barangay Cabinte taong 2018.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Capt Francisco Sabud na sumailaim naman sa normal na booking process si Espenido,Police Executive Master Sgt. Renato Martir Jr at Police Cpl. Sandra Louise Bernadette Bantilan matapos kapwa sila boluntaryo sumuko sa Ozamiz City Police Station kahapon ng hapon.

Inihayag ni Sabud na nag-ugat ang mga kaso nang nagpasaklolo ang pamilya Manzano sa Department of Justice para maiimbestigahan ang umano’y ‘overkill’ na pagkasawi ng mga suspek noon na mag-ama na Francrciaoa at Jerry Manzano;Victorino Mira Jr;Lito Manisan,Romeo Libaton at Alvin Lapeña na naka-engkuwentro sa grupo ni Espenido sa nakalipas na Hunyo 1,2017.

Dagdag ng opisyal na itinuring naman nila na normal lamang sa mga pulis na magkakaroon ng mga kaso lalo kapag puspusan ang pagta-trabaho bilang mga alagad ng batas kontra kriminalidad.

Si Police Regional Office 10 spokesperson Capt Francisco Sabud

Magugunitang mismo si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagtalaga kay Espenido sa Ozamiz City kung saan misyon nito na pagbagsakin ang umano’y illegal drug syndicate na pinatakbo ni late Ozamiz City Reynaldo ‘Aldong’ Parojinog Sr sa buong Misamis Occidental.