CAGAYAN DE ORO CITY – Natatawa dahil tila media ang publiko lamang ang hindi nakakaalam na matagal ng nasa listahan ng narco-police ang itinuring na ‘poster boy’ ni President Rodrigo Duterte kaugnay sa anti-illegal drugs campaign nito na si Lt Col Jovie Espenido.
Ito ay matapos kabilang si Espenido sa higit 300 police officers na paiimbestigahan ng Camp Crame dahil sa akusasyon na nagsilbing illegal drug protector.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Regional Office-10 Director Brig Gen Rolando Anduyan na matunog ang pangalan ni Espenido ukol sa nasabing isyu kaya hindi na bago para sa kanila na lumutang na ito sa publiko ngayon.
Inihayag ni Anduyan na ito umano ang dahilan na nagsusumikap ng husto si Espenido sa ipinapa-trabaho sa kanya ni Duterte dahil sa malaking isyu laban sa kanya.
Una rito,hindi sinagot at minsan sarado ang linya ng telepono ni Espenido ng makailang beses na tinawagan ng Bombo Radyo para kunan ng reaksyon ukol sa usapin.
Kung maalala,tumanggi si PNP Chief Director General Archie Gamboa na kompirmahin na nasa listahan ni Duterte si Espenido subalit mismo naman si DILG Secretary Eduardo Año ang nagbunyag na totoo ang naglalabasan na mga ulat kaugnay rito.