CAGAYAN DE ORO CITY – Nagluluksa ang mga parokyano nang pumanaw sa edad na 89 ang pangatlong nagsilbing arsobispo ng Cagayan de Oro Archdiocese na si Archbishop Emeritus Jesus Tuquib,D.D. ng Society of Saint John Vianney (SSJV).
Ito ay matapos nagkaroon ng brain bleeding ang obispo hanggang nagka-coma ng ilang araw nang isinugod sa Xavier University-Maria Reyna Hospital nitong lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Msgr Perceous Cabunoc,vicar general ng Cagayan de Oro Archdiocese na matagal mayroong iniindang karamdaman kung saan hindi na ito makapagsalita bagamat maririnig at makikilala pa nito ang mga tao na nais lumapit sa kanya.
Inihayag ni Cabunoc na kilala nila ang obispo ng kanyang simpleng pamumuhay kung saan sentro ng kanyang adbokasiya ang family life aspotolate simula taong 1988 hanggang nag-retiro ito sa 2006.
Kabilang sa mga isinulong noon ni Tuquib sa kanyang panunungkulan ay ang mariing pagtutol na makapasok ang mga laro ng casino sa lungsod.
Nakaburol ang mga labi ng obispo sa Saint Augistine Metropolitan Cathedral kung saan katabi lamang sa Archbishop’s House na dati nitong tanggapan noong aktibo pa ito sa serbisyo.
Si Tuquib ay isinilang noong Hunyo 27,1930 sa Clarin,Bohol.
Naging ganap na pari noong Marso 14,1959 sa San Carlos Minor Seminary sa Argao, Cebu.
Nagtapos rin ito ng kanyang theology degree sa San Carlos Major Seminary sa Mabolo,Cebu.
Nagtapos si Tuquib ng kanyang doctorate in Sacred Theology sa University of Sto Thomas.
Nadestino si Tuquib sa magkaibang simbahan sa Visayas hanggang hinirang na obispo ng Pagadian City taong 1973 hanggang 1984 bago ito itinalaga bilang Arsobispo ng Cagayan de Oro nang mag-retiro rin si late Archbishop Patrick Cronin.