CAGAYAN DE ORO CITY- Isinailalim ngayon sa debriefing ang sinasabing supplier ng mga armas sa local terrorist group na sumuko sa militar sa Butig, Lanao del Sur.

Kinilala ni 103rd Brigade commander Brig. Gen. Romeo Brawner ang sumuko na si Hadji Soaib Ander.

Ayon kay Brawner, bitbit ni Ander sa kaniyang pagsuko sa mga tropa ng 49th IB ang isang (1) US KG9 semi-automatic pistol, dalawang (2) magazines ng 9mm pistol at maraming mga bala.

Si Ander ay kilalang supporter ng terrorist group na pinamumunuan ni Ali Amintao alyas White Lawaan na nakipagbakbakan sa mga tropa ng 103rd Brigade sa bayan ng Butig noong 2016.

Siya rin umano ang nag-susuplay ng mga bala at armas sa grupo ni Amintao.

Dagdag pa ni Brawner, na si Ander rin ang ama ni Hadip na naging kasapi ng Maute terror group kung saan namatay ito sa bakbakan sa Marawi City.

Dahil dito, umaasa ang heneral na marami pang supporter nang mga teroristang grupo ang susuko sa militar sa Lanao Sur ngayong taon.