CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinasa ng law enforcement agencies na kinabilangan ng pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) ang malawakan na paghahanap laban sa pinuno at maraming opisyal ng Jocals 688 Beauty and Wellness Products Trading Incorporated na mayroong ilang branches dito sa bansa.
Ito ay matapos ipinag-utos ni Regional Trial Court Branch 21 Presiding Judge Gil Bollozos na arestuhin ang founder ng grupo si Joshua Calderon maging ang ilan sa kanyang mga opisyal dahil sa kasong large scale estafa na unang isinampa ng dati nilang mga tauhan sa Cagayan de Oro City.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Executive Master Sargeant Glenn Pallugna ng Nazareth Police Station na nag-uugat ang reklamo dahil sa kabiguan umano ng mga ito na maibalik ang investment capital ng kanilang mga miyembro kaya dumulog sa korte.
Sinabi ni Pallugna na sa nakasaad na mga akusado sa warrant of arrest ay tanging ang isa pa lamang sa managers umano ni Calderon na si Rodel Patalinhug na taga-Barangay Bugo ng syudad ang una nila na naaresto.
Dagdag ng PNP na matapos ang pagka-aresto kay Patalinghug ay umaabot na sa limang batch ng complainants ang naghain na rin ng reklamo laban sa grupo.
Magugunitang maraming beses itong tinalakay ng Bombo Radyo,base sa ipinaabot na reklamo ng umano’y complainants at ilang pagkakataon rin na pinabulaanan ng Jocals na isang scam ang kanilang pinasok na transaksyon.