CAGAYAN DE ORO CITY- Kumbinsido si Senate Blue Ribbon Committee chairman Richard Gordon na pinatakbo ng ‘mafia group’ ang ilegal na gawain sa loob ng Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ito ay matapos mas lalong luminaw sa imbestigasyon kung sinu-sino ang mga personalidad na nasa likod ng mga pagpapalabas ng convicted criminals kapalit ng malaking halaga ng pera.
Ginawa ni Gordon ang komento kaugnay sa paglutang ng mga testigo at ibinulgar ang umano’y pangingikil ng ilang BuCor at NBP officials sa mga kaanak ng convicted criminals upang mabigyang kalayaan.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Gordon na maging irdinaryong jail guards sa Bilibid ay kopyang-kopya ang ilegal na gawain ng kanilang ilang opisyal para mapag-perahan ang mga bilanggo.
Natuklasan kasi ang bargaining ng Good Conduct of Time Allowance (GCTA) law para sa convicted criminals upang mapadali ang jail release kapalit ng pera mula sa mga kaanak ng mga bilanggo.
Lumutang rin ang ‘kaso for sale’ issue kung saan kahit ipinalabas na ang isang bilanggo dahil sa GCTA ay biglang hahanapan ng ibang kaso para mahingian ng pera.
Sa ginawa kasi na imbestigasyon ng Senado,luminaw ang kapalpakan ni dismissed BuCor chief Nicanor Faeldon dahilan na agad sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang puwesto.