CAGAYAN DE ORO CITY – Sinimulan na ang ground breaking sa most affected area (MAA) upang pagtatayuan ng vertical projects na kinabilangan ng government buildings sa Marawi City,Lanao del Sur.
Ito ay alinsunod sa unang kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang matapos ang kumpletong rehabilitasyon at reconstruction sa syudad pagdating sa taong 2021.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Task Force Bangon Marawi Chairman Secretary Eduardo del Rosario na pagsagagawa ng ground breaking ay hudyat na masisimulan na ang mga pagpapatayo ng barangay complex sa 24 na barangay na apektado ng limang buwan na engkuwentro sa pagitan ng state forces at grupong Maute-ISIS taong 2017.
Sinabi ni Del Rosario agad na isusunod ang road networks upang mapadali ang pagtatayo sa madrasa at health centers maging terminal para sa mga taga-Marawi City.
Dagdag ng kalihim na lalagyan rin ng traffic lights,state of the art CCTV cameras at street lights ang business hub ng lungsod na higit dalawang taon ng hindi napakinabangan ng taga-Marawi.
Kung maalala,naglaan ng gobyerno ng P60.1 bilyon na pondo para pagandahin ang lungsod at tuluyang makabalik na ang libu-libong internally displaced persons (IDPs) na nagtitiis lamang sa temporary shelters.