CAGAYAN DE ORO CITY – Isinugod sa ospital ang nasa halos 40 na trabahante na nagtamo ng mga sugat nang bumaliktad ang shuttle bus ng isang kompanya sa Sayre Highway, Purok 3,Colambogan,Maramag,Bukidnon.
Ito ay matapos nawalan umano ng preno ang bus na minaneho ng driver na si Rosito Nillama na taga-Quezon habang pauwi na sila mula sa Del Monte Philippines pineapple plantation sa Barangay Kuya pabalik sa kanilang mga bahay sa nabanggit na probinsya.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Staff Sgt Jonerey Maniego,imbestigador ng Maramag Police Station na konektado ang mga empleyado sa Juan Carlos Salang Fortich Manpower Services na nagtamo ng mga pasa at sugat ang mga biktima dahil sinadya na pabaliktarin ng driver ang bus para hindi mahulog sa bangin.
Inihayag ni Maniego na sa mga dinala na mga biktima sa Bukidnon Provincial Hospital,siyam sa mga ito ang binigyan ng mga masinsinan na medikasyon.
Kumbinsido naman ang PNP na self-bus accident lamang ang nangyari dahil walang nasangkot na ibang mga sasakyan kahapon.