(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Naisampa na ang kasong paglabag ng Comprehensive Dangarous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165) sa piskalya laban sa isang miyembro ng pamilya na umano’y nasa likod ng 40 hanggang 50 porsyento na pinagmulan ng ilegal na droga sa Iligan City.
Ito ay matapos naaresto nang pinag-isang anti-buy bust operation ng National Bureau of Investigation at Philippine Drugs Enforcement Agency ang suspek na si Mahid Amer,22 anyos at residente sa Barangay Tambacan,Iligan City nitong linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Atty Abdul Jamal Dimaporo na district officer ng NBI-10 ng Cagayan de Oro City subalit naka-destino sa Iligan City na nakompiska nila ang nasa tinatayang isang kilo ng suspected shabu mula sa suspek na nagkahalaga ng P6.8 milyon na itinago sa car battery sa loob ng bahay nito.
Inihayag ni Dimaporo na batay sa kanilang hawak na impormasyon na nagmula sa pamilya ng suspek ang nasa 50 porsyento ng drug supply ng Iligan City.
Sinabi ng opisyal na ginawa umanong cover up ng pamilya ang money transfer business nila upang hindi matumbok ang pinasok na illegal drug trade nito sa lugar.
Natuklasan na dati na ring naaresto ang ina ng suspek bagamat napalabas dahil sa teknikalidad sa illegal drugs case sa Davao City hanggang lumipat sa Iligan City sa nagdaang mga taon.
Kasalukuyan rin na nakakulong sa Iligan City Jail ang kapatid lalaki at babae ng suspek dahil pa rin sa mga akusasyon ng illegal drug trade sa nabanggit na lugar.