CAGAYAN DE ORO CITY – Naibigay na sa nagsilbing informant ng Armed Forces of the Philippines ang pabuya na nagkahalaga ng P7.8 milyon na unang nagbigay impormasyon upang matugis at mapatay ang operations commander ng CPP-NPA sa Mindanao na si Jorge Madlos alyas Ka Oris sa Barangay Dumalaguing,Impasug-ong,Bukidnon.
Inihayag ni Maj Francisco Garello Jr,tagapagsalita ng 4th ID,Philippine Army na mismo si Defense Sec Delfin Lorenzana at AFP chief of staff Gen Andres Centino ang nag-abot sa reward money kay alyas Ricky bilang patunay na talagang totoo ang pabuya na inaalok ng gobyerno kapalit nang pagka-neutralized kay Ka Oris.
Sinabi ni Garello na ginawa ang pagbigay pabuya sa informant mismo sa headquarters ng 4th ID,Philipine Army,Camp Evangelista,Barangay Patag ng Cagayan de Oro City.
Kaugnay nito,umaasa si Lorenzana na may susunod pa sa mga yapak ni alyas Ricky na mag-ambag ng mga mahalagang impormasyon upang tuluyang mapabagsak ang kilusang insurhensiya na higit limang dekada nang pino-problema ng pamahalaan.
Magugunitang si Ka Oris at ang kanyang medical aide ay kapwa nasawi nang malusob ng 403rd Infantry Brigade na pinamunuan ni Brig Gen Ferdinand Barandon Jr noong Oktubre 30,2021 sa nabanggit na probinsya.
Si Ka Oris ay nahaharap ng patung-patong na murder cases sa maraming korte sa Mindanao simula nang pumasok sa kilusan sa Siargao,Surigao del Norte noong kanyang kabataan pang edad.