CAGAYAN DE ORO CITY – Inilikas ang nasa higit 1,167 na pamilya sa mas ligtas na mga lugar nang mapasok ng tubig-baha bunsod ng walang humpay na pagbuhos ng ulan epekto ng low pressure area dahilan na binaha ang nasa 15 na barangay ng Iligan City.
Ito ang dahilan na agad naglabas ng kautusan si Iligan City Mayor Celso Regencia na walang pasok sa pampubliko at pribadong tanggapan at walang klase sa lahat ng antas sa lungsod.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Iligan City LGU spokesperson Joe Pantoja na ang higit libo na pamilya na nailikas ay inisyal pa lamang habang patuloy ang validation ng social workers sa mga apektadong mga barangay.
Dagdag ni Pantoja na ilan rin sa kanilang mga tulay ay nasira habang ang iba pa ay hindi muna madaanan epekto ng mga pagguho ng lupa.
Bagamat walang naitala na residente na sugatan o kaya’y nasawi kahit ilang kabahayan ay tinangay ng tubig-baha.
Wala pang damage assessment na maibibigay dahil hindi pa humupa ang banta ng panibagong pagbaha sa lugar.
Samantala,may ilang mga residente din mula sa bayan Kauswagan,Lanao del Norte ang lumikas dahil sa pagbaha noong nakaraang gabi.