Binatikos ni House impeachment spokesperson Ace Barbers si Bise Presidente Sara Duterte kaugnay ng sinasabing hindi maipaliwanag na yaman at mga transaksyon ng pondo nito.
Anang Barbers, “Pangkarinderya ang drama, pangbilyonarya ang bulsa,” habang iginigiit na kinakailangang ipaliwanag ang mga pagkakaiba sa mga bank record at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente.
Itinuro ni Barbers ang isinagawang pagsusuri ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera, kung saan nakakita ng hindi bababa sa 817.87 milyong piso na inaaakusahang hindi idineklarang mga ari-arian at pondo mula taong 2022 hanggang 2025.
Gayunpaman, pinabulaanan ng kampo ni Duterte ang naturang interpretasyon ng prosekusyon sa kanilang mga rekord ng pondo, habang inaasahang magsusumite ng ebidensya ang depensa ngayong Nobyembre 9 kung saan wala pa ring pinal na desisyon ang Senado kaugnay ng naturang kasong impeachment.











