CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines – Naglunsad ang tatlong ahensya ng gobyerno ng isang ‘book-project” upang bigay-diin ang kasaysayan ng Bangsamoro.
Ayon kay National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Commissioner Dr. Cecilia Tangian, ang proyekto nagkakahalaga ng P8- milyon grant para sa pagsasaliksik at paglalathala tungkol sa kasaysayan ng 13 etno-linguistikong grupo sa Mindanao, Sulu, at Palawan.
Ang mabubuo na libro ay magmumula sa komprehensibong partnership ng NHCP sa Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage at Mindanao State University (MSU) sa Iligan at Marawi.
Sa pulong-balitaan na naganap noong Biyernes, sinabi ni Tangian na inihahanda na ang isang memorandum of agreement upang malathala ang aklat sa taong 2027.
Ayon kay NHCP Executive Director Carminda Arevalo, ang proyekto ay makakatulong sa pag-integrate ng kasaysayan ng 13 etnolinguistikong grupo sa pambansang pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Samantala, tinalakay naman ni Dr. Darwin Absari, propesor ng Islamic Studies sa University of the Philippines, ang mga bagong uso sa pagsasaliksik sa kasaysayan.
Ang proyekto ay naaayon sa 2030 Year of Philippine Muslim History and Heritage, isang pambansang programa na iniatas sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 10, s. 2023.
Ang AO ay nag-aatas sa NHCP, National Commission on Muslim Filipinos, Bangsamoro Government, at iba pang mga ahensya ng gobyerno na magplano at mag-organisa ng mga programa at proyekto na naglalayong ipakita at kilalanin ang kasaysayan at kultura ng mga Muslim bilang bahagi ng kasaysayan at kultura ng Pilipinas.