CAGAYAN DE ORO CITY – Naniniwala ngayon si House Deputy Speaker at Misamis Occidental 2nd District Rep Henry Oaminal na mismo siya ang target sa motorcycle in tandem suspects nang ma-ambush si TV actress Kim Chiu sa CP Garcia-Katipunan Avenue Quezon City.
Ito ay matapos nakaligtas si Kim mula sa mga bala sa mga suspek na tumambang sa kulay itim na van na sinakyan nito patungo sana sa kanyang taping noong nakaraang linggo.
Inihayag ni Oaminal na nakita umano nito si Kim habang magkatabi sila sa katulad na parking area at mas una itong lumabas kaya na-ambush ng mga suspek.
Inamin ng kongresista na mas tumindi ang kanyang kaba dahil una nang iniulat ng PNP na tumaas pa sa P15 milyon ang patong sa kanyang ulo upang mapatumba ng criminal drug syndicate na nakabase sa Ozamiz City.
Kaugnay nito,pinatitiyak naman ni Police Regional Office 10 Director Brig/Gen Rolando Anduyan na hindi masaktan ang mambabatas mula sa mga gagawing pang-aatake ng mga kriminal.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Misamis Occidental Police Provincial Office Director Col Danildo Tumanda na dinagdagan na nila ang security escorts ni Oaminal upang mabigyan ito ng sapat na seguridad.
Mismo si Tumanda ang nakakuha sa intelligence report na pursigido ang grupo ng mga sindikato na ipatumba si Oaminal nang dinagdagan ng lima milyong piso ang una ng P10 milyon na pabuya para rito.
Magugunitang nabulgar ang plano ng umanoy kaanib ni late Ozamiz City Mayor Reynaldo ‘Aldong’ Parojinog Sr nang maaresto ng PNP ang ilang sa mga ito kaugnay sa anti-illegal drugs operations sa Misamis Occidental.