CAGAYAN DE ORO CITY – Sinipa ng tuluyan mula sa kanilang pagiging elected officials ang dalawang aktibong kagawad at pinagmulta ang dating tresurero ng Barangay Puntod,Cagayan de Oro City.

Photos from Puntod Brgy Information Officer Gio Cabinggas

Ito ay matapos isinilbi ni City Mayor Oscar Moreno ang dismissal order dahil sa kasong administratibo mula Ombudsman laban kina dating barangay kapitan at kasalukuyang Kag Marvin ‘Binky’ Beja,Kagawad Tyler Sia at former treasurer Carla Javollino.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Puntod Punong Brgy Trexie Tinampay na nag-uugat ang dismissal ng tatlong brgy officials dahil nagpatupad ng ‘declogging project’ subalit ‘ghost employees’ ang ginamit o gawa-gawa lamang ang umano’y mga pangalan sa mga nagta-trabaho.

Inihayag ni Tinampay na dahil rito ay hirap makapag-paliwanag ng mga respondent kaya natagalan ang kanilang pagsagot sa Ombudsman hanggang nailabas ang guilty findings.

Kaugnay nito,mismo ang mga tauhan ng city legal office at city administrator’s office ang tumungo sa mga bahay nila at isinilbi ang notice of dismissal at order of implementation.

Pinagmulta naman si Javollino ng P200,000 dahil hindi na ito aktibong trabahante ng barangay.

Iginiit ni Tinampay na walang halong politika ang pagpatupad ng order kahit si Beja pa ang nasa likod ng anim na Ombudsman suspension ni Moreno noon dahil sa isinulong na boxing sports program na ginipit ng nagdaang city council ng lungsod.