CAGAYAN DE ORO CITY – Nagbalik-loob sa gobyerno ang karagadagang mga miyembro umano ng dating kilabot na grupo na Maute-ISIS ( Islamic State for Iraq and Syria) na nasa likod ng bigong pag-ukopa sana sa pamahalaang lungsod ng Marawi,Lanao del Sur noong Mayo 2017.
Ito ay matapos tuluyang itinakwil ng dalawa sa natitirang mga terorista ang radical ideology ng grupo na nagtangkang pabagsakin ng gobyernong local ng Marawi at nagpa-kustodiya sa 103rd IB,Philippine Army upang hindi balikan ng kanilang kasamahan.
Inihayag ni 103rd IB commander Brig Gen Jose Maria Cuerpo na naging posible ang pagsuko nina alyas Hodaifa ,19 at alyas Mosab na pawang taga-bayan ng Piagapo,Lanao del Sur dahil na rin sa pagtulong ng upong bise-alkalde na si Hon.Ali Sumandar.
Sinabi ni Cuerpo na tinalikuran ng dalawang hard core members ang armadong pakikibaka dahil nilinlang lamang sila at ginamit ang tinawag na ‘violent extremism’ bilang totoo na ‘jihad’ para maghasik kaguluhan sa mga lugar na nakabase ang mga sibilyan.
Salaysay ng opisyal na kabilang ang dalawa sa mga armadong panggugulo sa Lanao Sur na tinapatan naman ng militar kasama ang pulisya lalo ang naglimang buwan na urban warfare sa loob ng Marawi City.
Bitbit ng dalawang nagsisuko ang kanilang pawang malakas na uri ng mga baril kasama ang mga bala nito nang sumuko.
Magugunitang simula nang napabagsak ang Lanao based terror group ay daan-daan na ang nagsisuko na binago ang mga buhay dahil sa mga programang pagkabuhayan na ipinagkaloob para sa kanila ng gobyerno.