CAGAYAN DE ORO CITY – Tila nakulangan umano sa oras ang walong kandidata ng Miss Universe 2017 sa kanilang pagbisita sa isla ng Camiguin ngayong araw.
Ayon kay Department of Tourism-10 Regional Director Marie Elaine “Mae” Unchuan, sobrang nag-enjoy ang mga kandidata ng Korea, Spain, India, Netherland, Canada, Italy, USA at Singapore sa kanilang pagbisita sa mga tourist spot sa nasabing isla.
Gusto pa aniya sana ng mga kandidata na magtagal lalo’t maganda ang klima at tanawin ngunit kailangan na nilang umuwi ng alas-2:00 ng hapon.
Dahil dito, ipinapangako ng mga kandidata na babalik sila sa Camiguin kasama ang kanilang pamilya balang araw.
Napag-alaman na binisita ng walong kandidata ang White Island, ang sikat na Sunken Cemetery, The 16th Century Old Church, Tuasan Falls ng Barangay Mainit at ang Balai sa Baibai Resort.
Ikinatuwa naman ni Unchuan ang pagbisita ng mga dayuhang kandidata dahil malaki ang maitutulong nito sa pagpapaunlad ng turismo sa bansa lalo na sa isla ng Camiguin.