CAGAYAN DE ORO CITY – Hinamon ng Chairman ng Committee on Trade and Commerce – Kagawad George Goking ang Dept of Agriculture, Dept of Trade and Industry at iba pang ahensya ng gobyerno na huwag maging tamad at “lousy” sa pagtukoy sa tunay na sanhi kung bakit biglang tumaas ang presyo ng kada kilo ng bigas.
Ito’y matapos ang unang kinumpirma ng DA-Northern Mindanao at maging ang Cogon Public Market Rice and Corn Retailers na tumaas ang presyo kada kilo ng local at imported na bigas na mabibili sa mga pamilihan sa lungsod.
Hindi nakuntento ang konsehal sa paliwanag ng ahensya na sinasabing posibleng may rice hoarding o pagtatago ng bigas kung kaya’t naging manipis ang supply sa mga palengke.
Iminungkahi ng komite sa National Government na suspindihin muna ang paggamit ng pondo para sa mga malalaking proyektong imprastraktura na itinayo sa buong bansa para gamitin ang mga pondong ito sa pagpapatatag ng presyo ng bigas na pangunahing pangangailangan ng mga tao.
Aniya, mas mahalaga ang sapat na suplay ng bigas kaysa sa mga proyektong hindi makakain ng mamamayan.