CAGAYAN DE ORO CITY-Mahaharap sa kasong robbery extortion at usurpation of authority ang dating Ombudsman graft investigator matapos mahuli sa ikinasang entrapment operation ng mga pulis sa Max Suniel St. Brgy Carmen nitong lungsod.

Kinilala ang suspek na si Jonathan Pineda, 47, binata, nakatira sa Gold City, Balulang sa lungsod at nagtatrabaho bilang part time instructor sa Police Regional Training Center nitong rehiyon.

Sinabi ni Cogon Police Station commander Capt. Ernesto Sanchez na inireklamo si Pineda matapos mangulekta ng pera sa limang police recruits kapalit nang hindi pagsampa ng kaso sa kanila sa Ombudsman.

Dagdag pa ni Sanchez na tinakot ng suspek ang mga biktima na sasampahan ng kaso sa Ombudsman kung hindi magbibigay ng P50,000.