Ibinunyag ni House Prosecution Panel Spokesperson at Rep. Zia Alonto Adiong sa isang eksklusibong panayam sa BOMBO RADYO na may malinaw na iregularidad sa oras ng pagsasagawa ng ilang aktibidad at sa opisyal na paglalabas ng pondo ng gobyerno.
Ayon kay Adiong, kabilang sa mga ebidensyang nakalap ng prosekusyon ang pahayag ng state auditor na si Xylene Mae Del Campo Ocampo, na nagsabing may mga aktibidad nang isinagawa noong Enero 2023 kahit hindi pa opisyal na nailalabas ang confidential funds ng Office of the Vice President.
“We found out that these activities are actually done prior to the release of the confidential funds,” ani ni Adiong.
Dahil dito, lumalabas na hindi nasunod ang tamang pamantayan at mga probisyon sa Joint Circular.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na bawat pisong ginagastos ng pamahalaan ay dapat may wastong petsa at matibay na batayan.
Sa natuklasang ito, iginiit ng prosecutorial panel na may seryosong paglabag sa patakaran ang naganap na paggastos.











