CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines – Umabot sa 172 suspek ang nahuli sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng Police Regional Office (PRO) -10.

Ayon kay PRO-10 Director, Police Brigadier General Jaysen de Guzman, nasa kabuuang P3.8 milyon halaga ng shabu ang kanilang nasamsam sa mga suspek sa tatlong araw na operasyon mula Enero 24 hanggang 26.

Nagpatupad ng walong operasyon ng Search Warrant ang mga operatiba, na nagresulta sa pagkakahuli ng walong indibidwal.

Apat sa nasabing operasyon ay isinagawa sa ilalim ng R.A. No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), kung saan nakumpiska ng mga otoridad ang limang armas.

Samantala, apat pang operasyon sa ilalim ng R.A. No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang nagresulta sa pagkakasamsam ng 54.6 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang halaga o Standard Drug Price (SDP) na P371,280.00.

Pumalo naman sa 39 ang bilang ng ikinasang buy-bust operations na nagresulta sa pagkakahuli ng 48 drug suspek at nakumpiska ang 446.6863 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang P3,037,466.84.

Ang iba pang police operations, kagaya ng Bakal Sita, police response initiatives, at checkpoints, ay nagbunga ng pagkakahuli ng siyam na indibidwal kung saan umabot sa 60.684 gramo ng shabu na may market value na P412,651.20 ang nasamsam ng mga operatiba, kasama ang 30 armas at isang eksplosibo.

Naglunsad din ng walong operasyon laban sa ilegal na pagsusugal kung saan 21 indibidwal ang nahuli at nakumpiska ang P7,134.00 na bet money.

Samantala, sa kampanya ng paghahanap ng “wanted persons”, umabot sa 86 indibidwal ang natimbog, kasama na ang 15 sa mga most wanted personalities at 71 pang iba.