Kabundukan sa Mindanao ang siyang magdurusa sa malawakang pagmimina upang mapatakbo lamang ang pinangangambahang proyektong Pax Silica doon sa Luzon.

Sa pakikipag-usap sa Bombo Radyo, ibinunyag ni Youth Against Pax Silica Coordinator Heroine Marish Fernandez na batay mismo sa ulat ng Bases Conversion and Development Authority, kukunin mula sa Mindanao ang mga kinakailangang nickel, copper, at rare earth minerals upang buhayin ang naturang proyekto sa Tarlac.

Nagbabala si Fernandez na ang paghuhukay sa mga naturang mineral ay magreresulta sa pagkakalbo ng mga kagubatan na magpapalala pa sa init ng panahon dito sa rehiyon.

Dugtong ng lider ng mga kabataan na malaking banta rin ito sa mga Lumad sa Mindanao na posibleng mapalayas sa kanilang lupang ninuno kapalit ng isang dayuhang proyekto na doon itatayo sa Luzon.