CAGAYAN DE ORO CITY – Lumutang ngayon ang grupong Kingdom Filipinas Hacienda na nagsusulong ng central sovereign government na umano’y mayroong kakayahan resolbahin ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China pagdating sa West Philippine Sea issue.

Kaugnay ito sa binanggit ni KFH Queen Regent Magistrate Salvacion Legaspi na umano’y nasa kanyang katauhan ang kakayahan na ipakalma ang agresibong panghihimasok ng tropang Tsina dahil hawak nila ang royal decree declaration patungkol sa mga teritoryo hindi lang Pilipinas subalit buong mundo.

Ito ang dahilan na grupo umano niya ang magpapahupa ng gulo upang iwasan ang pagsiklab ng malaking giyera na maaring magsisimula sa barukan ng Pilipinas.

Subalit nilinaw nito na hindi rin nito mapipilit na patinuin ang China dahil wala silang mga tauhan at war facilities bagkus Panginoon ang sandalan nila pagtupad ng kautusan na inaatas umano sa kanila.

Magugunitang ipinaliwanag rin nito na magmula na sa Northern Mindanao partikular ang syudad ng Iligan ang panibagong mother province ng buong bansa at hindi na sa Imperial Manila.