CAGAYAN DE ORO CITY-Hinikayat ni Cagayan de Oro 2nd district Rep. Rufus Rodriguez ang kanyang mga kasamahang mambabatas na kailangang simulan na nila ang deliberasyon sa franchise renewal ng isang malaking TV network sa bansa.

Naniniwala si Rodriguez na kailangan ma renew ang franchise ng ABS CBN lalo na’t nasa 11,000 na mga empleyado ang pinangangambahang mawalan ng trabaho.

Aniya, kailangang nilang sundin ang constitutional mandate upang masiguro ang freedom of the press.

Binigyang diin din nito na maraming natulungan ang nasabing istasyon sa pamamagitan ng kanilang corporate social responsibility projects.

Dagdag din ng kongresista, hindi maaring gamitin ng pangulo bilang basehan ang hindi pag ere ng kanyang political ad noong nakaraang 2016 election campaign upang pigilang ma renew ang franchise ng network na matatapos sa darating na Marso sa kasalukuyang taon.