CAGAYAN DE ORO CITY – Lubhang nakakabahala ang naging pahayag ng mag-asawang Curlee at Sara Discaya, ayon kay dating ALU-TUCP Regional Coordinator for Mindanao at kasalukuyang Legal Counsel ng Federation of Free Workers (FFW), Atty. Proculo Sarmen.
Sa panayam ng Bombo Radyo, binigyang-diin ni Sarmen na patuloy na lumalala ang korapsyon sa bansa, at ang pinakaugat nito ay ang mga anomalya sa flood control projects.
Ayon sa kanya, napatunayan ng mag-asawang negosyante na may malalim at sistematikong kahinaan sa pamahalaan, kung saan ang pondo ay madaling naililipat sa mga makapangyarihang opisyal, habang dumarami ang mga “insertions” para sa mga proyektong hindi naman naipatupad.
Giit ni Sarmen, tila naging negosyo na ang mga proyekto ng gobyerno, at ang kapakanan ng mamamayan, lalo na ang mga manggagawang nagbabayad ng buwis ay tuluyang naisantabi.
Dahil dito, nananawagan siya ng agarang aksyon mula sa pamahalaan, partikular sa Commission on Audit, upang imbestigahan at kasuhan ang mga sangkot lalo na ang mga politiko, kontratista, empleyado ng DPWH, district engineers, at mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa talamak nga korapsyon.
Kung mapapatunayan na ang halaga ng kinurakot ay lumampas sa ₱50 milyon, maaari nang gamitin ang Plunder Law, na may parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong na walang piyansa.
Sinabi ni Sarmen, malinaw ang panawagan ng kanilang grupo: Panahon na upang wakasan ang kultura ng pagnanakaw at panagutin ang mga nasa likod ng sistematikong korapsyon!