CAGAYAN DE ORO CITY-Duguan ang isang lalaki matapos pagtatagain ng kanyang tiyuhin sa Purok Tala sa Umaga, Salawagan, Quezon Bukidnon.

Kinilala ang biktima na si Junval Colaban, 25, binata, residente sa nasabing lugar habang ang suspek naman ay si Warly Zapanta, 42, may asawa at nagtatrabaho bilang karpentero.

Sinabi ni Quezon Municipal Police Station Commander Major Mitchel Clemencio na mayroong personal na alitan ang dalawa kaya pasado alas dos ng madaling araw kanina ay pumunta ang lasing na suspek sa tinutulugan ng biktima at dito na nangyari ang krimen.

Patuloy pang ginagamot sa ospital ang biktima dahil sa tinamo nitong mga sugat.

Ayon kay Major Clemencio na bukod sa kasong frustrated murder na kanilang isinampa, nadiskubre din nilang may warrant of arrest ang suspek dahil sa kasong robbery.