CAGAYAN DE ORO CITY-Nahaharap sa kasong murder ang tatlong suspek habang dinala naman sa tanggapan ng DSWD ang menor de edad na umanoy nagtulungang patayin ang kanilang kadugo sa KM 16, Brgy Besigan nitong lungsod.

Kinilala ang mga kinasuhang suspek na sina Rene Soyawan, 38, asawa na si Masia Soyawan, 35, at ang 83-anyos na ama na si Pedro Soyawan.

Sinabi ni Lumbia Police Station commander Major Valentines Baja na hinarang ng biktimang si Roland Soyawan, 43, ang kanyang kapatid na nakasakay ng kabayo at biglang tinaga ngunit agad namang nakaganti si Rene at nagresulta sa pagkamatay ng biktima.

Dagdag ni Baja, may mga saksi ring nagsasabi na tumulong sa pagtangga ang asawa, anak, at ama ng suspek.

Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na problema sa lupa ang ugat ng away na nagresulta sa madugong pangyayari.