(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Maigo na sakop ng Lanao del Norte.

Photos are from Lanao del Norte’s PDRRMO/MDRRMO

Ito ay matapos umaabot sa 370 na pamilya ang apektado habang malawak rin ang pinsala sa sektor ng agrikultura bunsod nang pagbaha resulta ng malakas na pagbuhos ng ulan dahil sa presensiya ng Low Pressure Area (LPA) sa Mindanao noong nakaraang gabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Lyndon Calica,tagapagsalita ng Lanao del Norte Provincial Local Government Unit na nasa anim na barangay ng Maigo ang tinamaan ng husto nang pagbaha kung saan halos nasa 20 na kabahayan ang nasira.

Inihayag ni Calica na nanatili pa sa municipal gymnasium ang karamihan sa mga apektadong pamilya habang ang iba naman ay pansamantala na tumuloy sa kanilang mga kaanak.

Sinabi ng opisyal na bagamat mayroong magagamit na 5 percent calamity fund ang munisipyo subalit nagpapatuloy pa ng kanilang assessment upang malaman ang danyos ng kalamidad.

Samantala,nasa 55 pamilya naman ang apektado at inilikas mula sa bayan ng Bacolod dahil pa rin sa nangyaring pagbaha.

Si Lyndon Calica,tagapagsalita ng Lanao del Norte Provincial Local Government Unit

Bagamat wala namang naiulat na missing o kaya’y casualty nang humagupit ang pagbaha sa bayan ng Maigo,Bacolod,Tubod at Kolambogan ng probinsya nitong linggo lamang.