CAGAYAN DE ORO CITY – Isinailalim na sa lockdown ang buong probinsiya ng Lanao del Sur at Marawi City bilang precautionary measures laban sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) epektibo kaninang madaling araw.
Ayon kay Marawi City Mayor Atty Majul Gandamra, napagpasyahan nilang isailalim sa lockdown ang buong probinsya matapos mamatay ang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 na dinala sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City.
Papayagan lamang na makapasok sa lugar ang mga health personnel at ang mga manggagawa na may dalang ID.
Mahigpit na checkpoint ang ipapatupad ng mga sundalo at pulis sa mga papasok sa kanilang lugar.
Kailangan din na may referral galing sa doktor ang mga ambulansiya na mag-transport ng pasyente na dadaan sa kanilang lugar.
Pinagbawalan na rin ang mga sasakyan na magkarga ng mahigit dalawang pasahero bilang bahagi ng pagpapatupad ng social distancing.
Kooperasyon ng publiko ang nais ipabatid ni Gandamra sa gitna ng banta ng COVID-19.
Una nang isinailalim sa ‘community quarantine’ ang buong lalawigan ng Lanao del Sur kasama ang lungsod ng Marawi na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong nakaraang araw.